Sabado ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II) | Enero 29, 2022


UNANG PAGBASA

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel (2 Samuel 12, 1-7a. 10-17)

Noong mga araw na iyon, sinugo ng Panginoon kay David si Propeta Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa’y dukha. Maraming kawan at bakahan ang mayaman, samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Pinapangko niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinaiinom. Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ang mayamang nabanggit. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kanyang kinuha. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.”

Napasigaw sa galit si David, “Naririnig tayo ng Panginoon! Ang taong iyo’y dapat na mamatay! Kailangang magbayad siya nang apat na ibayo sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”

Sinabi agad ni Natan kay David, “Kayo ang lalaking iyon! Ito ang sinabi sa inyo ng Panginoon: ‘Yamang ako’y itinakwil mo at kinuha mo ang asawa ni Urias, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ Sinabi pa rin ng Panginoon, ‘Pagkakagalitin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo’y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit araw. Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang parurusahan at makikita ng buong Israel.’”

Sinabi ni David kay Natan, “Tunay akong nagkasala sa Panginoon.”

Sumagot si Natan, “Kung gayo’y pinatatawad ka na niya at hindi ka mamamatay. Gayunman, yamang nilapastangan mo ang Panginoon, ang magiging anak mo ang mamamatay.” At umuwi na si Natan.

Tulad ng sinabi ng Panginoon, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. Dumalangin si David para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng sako at nag-ayuno, at sa lupa na nahiga nang gabing iyon. Lumapit sa kanya ang matatanda sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain.



SALMONG TUGUNAN

Diyos ko, sa aki’y likhain tapat na puso’t loobin. (Salmo 50, 12-13. 14-15. 16-17)

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Kung magkagayon na, aking tuturuang
sa iyo lumapit ang makasalanan.

Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.

Ingatan mo ako, Diyos kong Manunubos,
ang pagliligtas mo’y galak kong ibabantog.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Diyos ko, sa aki’y likhain
tapat na puso’t loobin.



MABUTING BALITA

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos (Marcos 4, 35-41)

Noong araw na iyon, habang nagtatakip-silim na, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya’t iniwan nila ang mga tao, at sumakay sa bangkang kinalululanan ni Hesus upang itawid siya. May kasabay pa silang ibang mga bangka. Dumating ang malakas na unos. Hinampas ng malalaking alon ang bangka, anupat halos mapuno ito ng tubig. Si Hesus nama’y nakahilig sa unan sa may hulihan ng bangka at natutulog. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” anila, “di ba ninyo alintana? Lulubog na tayo!” Bumangon si Hesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” At sinabi sa dagat, “Tumahimik ka!” Tumigil ang hangin at tumahimik ang dagat. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananalig?” Sinidlan sila ng matinding takot at panggigilalas, at nagsabi sa isa’t isa, “Sino nga kaya ito, at sinusunod maging ng hangin at ng dagat?”


Post a Comment

0 Comments