Miyerkules ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | Mayo 26, 2021

Paggunita kay San Felipe Neri, Pari


Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos 10, 32-45

Noong panahong iyon, nasa daan ang mga alagad patungong Jerusalem. Nauuna sa kanila si Hesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang mga taong sumusunod sa kanya. Ibinukod ni Hesus ang Labindalawa at sinabi ang mangyayari sa kanya. Wika niya, “Ngayo’y paahon tayo sa Jerusalem. Ang Anak ng Tao’y ipagkakanulo sa mga punong saserdote at sa mga eskriba. Kanilang hahatulan siya ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. Siya’y tutuyain nila, luluran, hahagupitin, at papatayin. Ngunit muli siyang mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.”

Lumapit kay Hesus sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, at ang sabi, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” “Ano yon?” tanong ni Hesus. Sumagot sila, “Sana’y makaupo kami katabi ninyo sa inyong kaharian – isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Hesus sa kanila. “Mababata ba ninyo ang hirap na babatahin ko? Pabibinyag ba kayo sa binyag na daranasin ko?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Hesus, “Ang hirap na babatahin ko’y babatahin nga ninyo, at kayo’y bibinyagan sa binyag na daranasin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga luklukang sinasabi ninyo’y para sa mga pinaghandaan.”

Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya’t pinalapit sila ni Hesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay siyang pinapanginoon, at ang mga dinadakila ay siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo ang ibig maging dakila ay dapat maging lingkod. At sinumang ibig maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.”

Post a Comment

0 Comments