PANALANGIN SA UNANG ARAW NG NOBENA
Katamis-tamisang Jesus Nazareno Diyos at manununbos namin, na naglalakbay sa Kalbaryong pasan-pasan mo ang krus na pagpapakuan sa iyo. Kaming abang makasalanan, na naging dahil ng iyong di masayod na hirap ay nagpupuri sa iyo at nagpapasalamat, na bilang maamong Kordero ay buong hinahong tinanggap mo sa ibabaw ng iyong balikat ang kahoy ng yong kamatayan upang doon mawakasan ang aming mga kasalanan at sangdaigdigan. Patawarin mo kami, o butihing Jesus; inaamin namin ang aming mga sala at kami’y nananalig na dahil sa kabutihan mong walang kahulilip ay huhugasan mo ng iyong Dugo. Patnubayan mo kami, Diyos ko, ng iyong biyaya at ihatid mo kami sa landas ng iyong mga utos diyan sa iyong langit na kaharian. Siya nawa.
(Magdasal ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANALANGIN SA IKALAWANG ARAW NG NOBENA
O Kaibig-ibig na Jesus, Korderong lubhang maamo ng Diyos, kami, imbing makasalanan, ay nagpupugay at sumasamba sa kagalang-galang na sugat sa balikat na likha ng pinasan mong napakabigat na Krus na umukit sa laman mo at nagpalitaw sa iyong mga buto na nagdulot sa iyo ng sakit na higit sa alinmang sugat sa kagalang-galang mong katawan. Sinasamba ka namin, O nagdaralitang Jesus kami’y nagpupuri sa iyo gumagalang at umiibig, at pinasasalamatan ka namin ng dahil sa kagalang-galang at kasakit-sakitang sugat, ay isinasamo namin sa iyo na alang-alang sa napakalabis na hapdi’t sa walang kapantay na bigat nang iyong Krus ay kaawaan mo kaming makasalanan, patawarin mo ang lahat naming mabibigat at magagaang na sala at ihatid kami sa langit sa pamamagitan ng landas ng iyong Krus. Siya nawa.
(Magdasal ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANALANGIN SA IKATLONG ARAW NG NOBENA
Dilidilihin mo ang mga pagod, sakit at pagkakarapa ng Manunubos dahil sa hirap sa bigat ng Krus at sa gitna ng mga alimura’t pagkutya ng kaniyang mga kaaway, ay walang imik na lumalakad na patungong Kalbaryo. O Anak ng Diyos, na nagkatawang tao ng dahil sa pag-ibig sa tao! Tinanggap mo ng buong kapakumbabaan at pagsangayon ang pagkamatay sa krus upang ibalik sa tao ang nawalang buhay nang dahil sa kasalanan. Masdan mo’t ang lahat ay mamamatay at walang ibang landas sa buhay at sa tunay na kapayapaan, kundi ang landas ng banal na krus at patuloy na pagpapakasakit. Siya nawa.
(Mag-alay ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANALANGIN SA IKAAPAT NA ARAW NG NOBENA
Aalalahanin mo ang kalungkut-lungkot na pagkakasalubong ni Jesus sa kaniyang Kabanal-banalang Ina. Dilidilihin mo ang pagmamahal ng kaibig-ibig na Puso ni Jesus sa harap ni Maria at sa gitna ng walang kahambing na pagdurusa ng Puso ni Maria sa pagkakita kay Jesus. Kami’y nagkasala, O Jesus ko, at sa aming mga sala ay karapat-dapat kami sa parusang walang hanggan, na dahil sa wala mong katapusang awa sa amin ay nagpakasakit ka at inihandog mo ang iyong buhay alang-alang sa aming kaligtasan. Siya nawa.
(Magdasal ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANALANGIN SA IKALIMANG ARAW NG NOBENA
Dilidilihin natin kung paano sa paglakad na patungong Kalbaryo ni Jesus na pasan ang mabigat na krus ay naubusan siya ng lakas, at ng ito ay mamalas ng mga hudyo, sa pangambang mamatay ng di pa sumasapit sa pook na pagpapakuan sa kaniya ay pinilit si Simon Cirene na tulungan siya sa pagpapasan ng krus. Humahanga kami, O Jesus ko, at nagpupuri sa iyong bathalang pagtitiis sa pagpasan hanggang sa Kalbaryo ng Krus na pagpapakuan sa iyo. Purihin ka nawa at sambahin ngayon at magpakailanman. Siya nawa.
(Magdasal ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANALANGIN SA IKAANIM NA ARAW NG NOBENA
Dilidilihin mo sa araw na ito ang pagkakasalubong ni Jesus sa mahabaging babaeng nagngangalang si Veronica na sa malaking habag nito sa Manunubos, ay inabot dito ang kaniyang taglay na birang upang pahiran ang bathalang mukhang pinapangit ng dugong umaagos sa mga sugat. Alang-alang sa mga hirap at sakit ng aming Panginoon, ay magkaroon nawa kami ng pag-ibig sa aming Manunubos at pagkamuhi sa kasalanan hanggang sa huling sandali. Siya Nawa.
(Magdasal ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANALANGIN SA IKAPITONG ARAW NG NOBENA
Sa araw na ito’y dilidilihin natin ang pagkakasalubong ni Jesus sa mahabaging mga babaing sumusunod sa kaniya na tumatangis dahil sa kalunos-lunos na kalagayan ng Manunubos, na ng sila’y makita ng mga babaing taga Jerusalem, huwag ako ang inyong tangisan; kundi ang inyong mga anak. Mahabaging Puso ni Jesus maawa ka sa aming kaluluwang makasalanan at pawiin mo ng iyong dugo ang aming mga gawang linsil. Siya Nawa.
(Magdasal ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANALANGIN SA IKAWALONG ARAW NG NOBENA
Dilidilihin mo na ng si Jesus ay sumapit sa bundok ng Kalbaryo ay walang pakundangang hinubaran siya ng damit ng mga berdugo, at sa gayon ay nanariwang muli at umantak ang mga sugat ng kabanal-banalan niyang katawan at pinainum siya ng alak na nilahukan ng apdo. O Panginoon naming pinapagdusa sa krus. Tanggapin mo kami sa iyong biyaya at pamagitan mo kami sa iyong Ama sa langit. Siya Nawa.
(Magdasal ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANALANGIN SA IKASIYAM NA ARAW NG NOBENA
Masdan mo ang iyong Manunubos na nakabayubay sa krus, na pagkaraan ng tatlong oras ng kasakit-sakit na paghihingalo ay namatay sa pagtubos sa ating mga sala. Sinasamba ka namin, Hari at Panginoon namin, Hari ng mga kaluluwa at ng buong nilalang na mula riyan sa luklukan ng sakit ay naghahari ka sa ilalim ng bathalang kapangyarihan ng iyong pag-ibig na niyakap ni Jesus, naging luklukan ng iyong awa, ikaw ang aming kaaliwan, aming pag-asa sa kaisa-isang Hiyas na aming kaligtasan. Siya Nawa.
(Magdasal ng Tatlong Aba Ginoong Maria)
PANGWAKAS NA PANALANGIN SA LAHAT NG ARAW
Ama naming makapangyarihan, niloob mong akuin ng iyong Anak ang krus at kamatayan upang ang sangkatauhan ay matubos at mabuhay. Ang pag-ako namin sa krus at kamatayan dito sa lupa ayon sa diwa ng pagsunod sa iyong loob na ginanap ng iyong Anak ay magpagindapat nawang aming kamtin ang lubos na katubusan at pagkabuhay sa iyong piling sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan. Amen.
0 Comments