UNANG PAGBASA
Pagbasa mula sa aklat ni Sirac (Sirac 3, 3-7. 14-17a)
Ang mga ama ay binigyan ng Panginoon ng kapangyarihan sa mga anak,
at iniutos niya na sundin ng mga anak ang kanilang ina.
Ang gumagalang sa kanyang ama’y nagbabayad na sa kanyang kasalanan,
at ang nagpaparangal sa kanyang ina’y parang nag-iimpok ng kayamanan.
Ang gumagalang sa kanyang ama’y paliligayahin naman ng kanyang mga anak,
at ang panalangin niya’y agad diringgin ng Panginoon.
Ang nagpaparangal sa kanyang ama at nagdudulot ng kaaliwan sa kanyang ina,
ay tumatalima sa Panginoon;
pahahabain ng Diyos ang kanyang buhay.
Anak, kalingain mo ang iyong ama pag siya’y matanda na,
at huwag mo s’yang dudulutan ng sama ng loob habang nabubuhay.
Pagpaumanhinan mo siya kapag nanlalabo na ang kanyang isip;
huwag mo s’yang lalapastanganin ngayon nasa kasibulan ka na ng iyong lakas.
Ang paglingap mo sa iyong ama ay di makakalimutan ng Panginoon,
iyan ay magiging kabayaran sa iyong mga kasalanan.
o kaya:
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel (1 Samuel 1, 20-22. 24-28)
Naglihi si Ana at dumating ang araw na siya ay nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Siya’y kaloob sa akin ng Panginoon.”
Pagkalipas ng isang taon si Elcana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Silo upang sumamba sa Panginoon. Sinabi ni Ana kay Elcana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko nang maawat si Samuel. Pagkaawat niya, ihahandog ko siya sa Panginoon at sa Templo na siya titira sa buong buhay niya.”
Nang maawat na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa Templo sa Silo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon, tatlumpu’t anim na litrong harina at isang pitsel na alak. Nang maihandog na ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po yaong babaing tumayo sa tabi ninyo noon at nanalangin sa Panginoon. Idinalangin ko sa kanya na ako’y pagkalooban ng anak at ito po ang ibinigay niya sa akin. Kaya naman po, inihahandog ko siya sa Panginoon upang maglingkod sa kanya habang buhay.” Pagkatapos nito, nagpuri sila sa Panginoon.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3. 4-5 | Mapalad ang sumusunod na taong may takot sa D’yos.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
o kaya:
Salmo 83, 2-3. 5-6. 9-10 | Mapalad ang nananahan sa piling mo, Poong mahal.
Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Diyos!
nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.
Mapalad ang nananahan
sa piling mo, Poong mahal.
Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Ang sa iyo umaasa’y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad na sa Sio’y makarating
Mapalad ang nananahan
sa piling mo, Poong mahal.
Dinggin mo ang dalangin ko, O Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod.
Basbasan mo, Panginoon, yaong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya yamang ikaw ang humirang.
Mapalad ang nananahan
sa piling mo, Poong mahal.
IKALAWANG PAGBASA
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas (Colosas 3, 12-21)
Mga kapatid:
Kayo’y hinirang ng Diyos, itinalaga para sa kanya at minamahal niya. Kaya’t dapat kayong maging mahabagin, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at matiisin. Magpaumanhin kayo at magpatawaran kung may hinanakit kayo sa isa’t isa. Pinatawad kayo ng Panginoon kaya’t magpatawad din kayo. At higit sa lahat, mag-ibigan kayo pagkat ito ang buklod ng ganap na pagkakaisa. At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Kristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang mga salita ni Kristo ay itanim ninyong mabuti sa inyong isip. Magpaalalahanan kayo at magturuan nang buong kaalaman. Umawit kayo ng mga salmo, mga imno, at mga awiting espirituwal, na may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang gagawin ninyo, maging sa salita o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Hesus, at sa pamamagitan niya’y magpasalamat kayo sa Diyos Ama.
Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon.
Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag silang pagmamalupitan.
Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat ikinalulugod iyan ng Panginoon.
Mga ama, huwag ninyong kagagalitan nang labis ang inyong mga anak, at baka manghina ang kanilang loob.
o kaya:
Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan (1 Juan 3, 1-2. 21-24)
Isipin ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos – at iyan ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan; hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, sa ngayon, tayo’y mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Kristo, tayo’y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan.
Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, panatag ang ating loob na makalalapit sa Diyos. Tinatanggap natin ang anumang ating hingin sa kanya, sapagkat sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: manalig tayo sa kanyang Anak na si Hesukristo, at mag-ibigan, gaya ng iniutos ni Kristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatili siya sa atin.
MABUTING BALITA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas (Lucas 2, 41-52)
Taun-taon, tuwing pista ng Paskuwa, ang mga magulang ni Hesus ay pumupunta ng Jerusalem. At nang labindalawang taon na siya, pumaroon sila gaya ng dati nilang ginagawa. Pagkatapos ng pista, sila’y umuwi na. Nagpaiwan si Hesus sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakala ng isa na si Hesus ay kasama ng isa, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Nang malaman nilang hindi siya kasama, siya’y hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. Hindi nila siya matagpuan, kaya’t bumalik sila sa Jerusalem upang doon hanapin. At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Hesus sa loob ng templo, nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan. Nagtaka rin ang kanyang mga magulang nang siya’y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit naman ganyan ang ginawa mo sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot siya, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako’y dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.
Siya’y umuwing kasama nila sa Nazaret, at naging isang masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Hesus. Umunlad ang kanyang karunungan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.
0 Comments