UNANG PAGBASA
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni 2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16
Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang bahay. Sa tulong ng Panginoon, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Nakikita mong nakatira ako sa tahanang sedro, ngunit ang Kaban ng Tipan ay sa tolda lamang.” Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat ang Panginoon ay sumasaiyo.”
Ngunit nang gabing iyo’y sinabi ng Panginoon kay Natan, “Ganito ang sabihin mo kay David: ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Inalis kita sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saanmang dako at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko patitirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon: wala nang aalipin sa kanila tulad noong una, buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong Panginoon ay nagsasabi sa iyo: Patatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa iyong mga anak ang ipapalit ko sa iyo. Patatatagin ko ang kanyang kaharian.’
“Kikilanlin ko siyang anak at ako nama’y magiging ama niya. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia’y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono.’”
SALMONG TUGUNAN
Salmo 88, 2-3. 4-5. 27 at 29 | Pag-ibig mong walang maliw ay lagi kong sasambitin.
Pag-ibig mo, Poon, na di nagmamaliw
ang sa tuwi-t’wina’y aking aawitin;
ang katapatan mo’y laging sasambitin,
yaong pag-ibig mo’y walang katapusan,
sintatag ng langit ang ‘yong katapatan.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Sabi mo, Poon, ikaw ay may tipan
na iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa sa lahi mo’y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.”
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
Gagawin ko siyang anak na panganay,
mataas na hari nitong daigdigan!
Laging maghahari ang isa n’yang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
Pag-ibig mong walang maliw
ay lagi kong sasambitin.
MABUTING BALITA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas 1, 67-79
Noong panahong iyon, napuspos ng Espiritu Santo si Zacarias na ama ni Juan at nagpahayag ng ganito:
“Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan,
At nagpadala siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
Mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.
Ipinangako niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una,
na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.
Iyan ang sumpang binitawan niya sa ating amang si Abraham,
na ililigtas tayo sa ating mga kaaway,
upang walang takot na makasamba sa kanya,
at maging banal at matuwid sa kanyang paningin, habang tayo’y nabubuhay.
Ikaw naman, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daraanan,
at ituro sa kanyang bayan ang landas ng kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
Sapagkat lubhang mahabagin ang ating Diyos;
magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan
upang magbigay-liwanag sa mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at patnubayan tayo tungo sa daan ng kapayapaan.”
0 Comments