PAGTATALAGA KAY SAN JOSE (Tagalog)


Butihing San Jose, 
Tagapagkalinga ng Manunubos 
Kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria. 
Ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos Ama ang kanyang bugtong na Anak. 
Isinalalay sa iyo ni Maria ang kanyang pagtitiwala. 
Nagkatawang-tao si Hesukristo sa pakikiisa mo sa kalooban ng Diyos. 
Kaisa ng Panginoong Hesukristo at ng Mahal na Ina, 
pinararangalan ka namin ng may tunay na pag-ibig at buong pagpipitagan. 
Sa araw na ito, itinatangi ka namin bilang aming ama, 
aming tagapagkalinga at aming tagapagtanggol. 

Niloob ng Diyos Ama na maipagdiwang 
ang taong ito na nakalaan sa iyong karangalan 
at sa ika-limandaang taon ng Kristiyanismo sa aming kapuluan. 
Ngayong taon ng Hubileo, taglay ang pusong nagpapasalamat 
kinikilala ka namin bilang dakilang kaloob ng Diyos sa amin 
upang maging aming kalakbay, guro, huwaran at tagapagtanggol. 
Lumalapit kami sa iyo upang italaga ang aming sambayanan, 
ang Simbahan sa Pilipinas, 
ang aming mga diyosesis, mga parokya at mga pamilya. 
Sa iyong pag-ibig at pangangalaga bilang ama, 
itinaguyod at hinubog mo ang buhay ng Banal na Mag-anak sa Nazaret. 
Buong kababaang-loob naming hinihiling na pagpalain mo ang lahat ng aming mga pagsisikap 
at tulungan mo kaming itaguyod ang simbahan, ang katawan ni Hesukristo, 
sa isang masunuring pananalig, matatag na pag-ibig 
at hindi matitinag na pag-asa sa aming Amang mapagmahal. 

Handa ka laging makinig at tumalima sa kalooban ng Ama. 
Iningatan mo si Hesus sa lahat ng panganib. 
Ipagadya mo kami sa lahat ng panganib 
na sumisira sa mga aral at mga pinahahalagahan 
sa diwa ng Ebanghelyo sa aming bansa. 
Ingatan mo kami habang kami’y nakikibaka 
laban sa mga sakit na pisikal at moral sa aming lipunan. 

Ipinagkakatiwala namin sa iyo ang lahat ng aming mga inaasam at hinahangad 
para sa ipagkakamit ng kaligtasan. 
Inihahabilin namin sa iyo ang lahat ng mag-anak 
at mga ama upang makatupad sila sa kanilang bokasyon 
na sumasalamin sa pag-ibig ng ating Ama sa langit. 
Basbasan mo ang lahat ng aming pagsisikap 
na makatulong sa aming kapwang nasa kapighatian. 
Sa iyo, San Jose, matapos kina Hesus at Maria, 
aming itinatalaga ang aming katawan at kaluluwa, 
anuman kami at anuman ang nasa sa amin. 

San Jose, maging ama ka rin nawa sa amin. 
Patnubayan mo kami sa landas ng buhay. 
Ipamintuho mo kami upang mapagkalooban kami ng biyaya, awa at tibay ng kalooban, 
at ipagsanggalang mo kami sa lahat ng masama. 
Amen.

Post a Comment

0 Comments