HUWEBES, HUNYO 28, 2018

Paggunita kay San Ireneo, obispo at martir
Huwebes ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo 7, 21-29

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit. Pagdating ng huling Araw, marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, nangaral po kami at nagpalayas ng mga demonyo, at gumawa ng mga kababalaghan sa inyong pangalan!’ At sasabihin ko sa kanila, ‘Kailanma’y hindi ko kayo nakilala. Lumayo kayo sa akin, mga mapaggawa ng masama!’

“Kaya’t ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay matutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig ng aking mga salita at hindi nagsasagawa nito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Bumagsak ang bahay na iyon at lubusang nawasak.”

Nang masabi na ni Hesus ang mga pananalitang ito, ang mga tao’y namangha. Sapagkat nagturo siya na parang isang may kapangyarihan, at hindi tulad ng mga eskriba.

Post a Comment

0 Comments